Sabi ng isang malapit na kaibigan, hindi raw totoong 'what you don't know won't harm you', bagkus nakasasakit din daw 'yon. Pagkabasa ko nun, bigla ko lang nasagot ay, 'mas masakit 'yon'. May kung anong malalim na pinaghuhugutan kung bakit ko nasabi 'yon, at ang alam ko apektado ako.
Alam naman na siguro ng karamihan na hindi sa lahat ng oras ay mas mabuti nang walang alam kaysa meron, dahil may mga pagkakataong mas masakit ang naidudulot ng mga bagay na hindi natin nalalaman kapag dumating ang oras na ito'y naibunyag sa atin.
May mga panahong masaya na tayo sa ating mga nalalaman at nararamdaman kung kaya't maaari at posibleng hindi natin kayang tanggapin ang mga pagbabaagong nagaganap. May mga panahon ding hindi tayo nakokontento sa ating mga nalalaman at nararamdaman na gusto nating makakuha at makaranas ng bago. Ang buhay nga naman sabi ng ilan, pero ganoon nga siguro talaga.
Ngayong Semana Santa, panahon para sa karamihan magmunimuni at ipahinga ang mga puso't isipan.
At ako? Panahon na siguro para simulan ko na ring isipin at pag-isipan kung saan nga ba ako patungo, kung saan nga ba patutungo ang aking mga nararamdaman at pinag-iisipan. Dahil ang alam ko... di ko pa alam kung kaya kong tanggapin ang mga pagbabagong darating. Basta ang alam ko rin lang sa ngayon ay nahihirapan akong tanggapin ang mga kasalukuyan kong nalalaman at nararamdaman; di ko alam kong kaya pang dalhin ng puso't isipan ko ang mga darating pa. (I'm coping...)
Ikaw? Sa mabilis na nagbabagong mundo, klima (climate change lang?), panahon, pagkakataon, at makamundong mga bagay, handa ka bang tanggapin ang mga pagbabagong nagaganap at magaganap sa buhay mo?