Sunday, September 21, 2014

Siklo

Tipikal na Lunes ng umaga. Naligo, hinintay na matuyo ang buhok, nag-ayos. May lakad, pero hindi pa sigurado kung saan tutungo. Pagkabihis, konting sipat pa sa salamin at ayos na. Lumabas ng bahay at tumingin-tingin sa kalangitan, mukhang uulan kaya dali-daling naglakad patungo sa 'di pa malinaw na ruta. Nang medyo nakalalayo na'y isa-isa nang pumatak ang mga sinulid na gawa sa tubig. Kaya pa, kaunting bilis ng lakad lang. Pero tila hindi kaya ng mabilisan, isang bagsak ng nanggagalaiting ulan ang humarang. Lingon sa kaliwa, lingon sa kanan, sa harap, sa likod at sa kung saan pa pwedeng lumingon, ngunit walang matanaw na masisilungan. May puno! 'Yon, baka pwede roon. Takbo! Subalit kahit ang puno'y nagsabing pasensya na't 'di siya makakatulong. Ang tuyong buhok noong una'y parang bagong ligo muli. Sumisingaw ang pabangong kanina'y isinaboy bago umalis. Unti-unti na ring naglalaho ang lotion na ipinahid sa balat kanina. Tagos sa balat ang lamig, animo'y nakailang buhos muli ng baldeng panligo. Wala ni isang taong dumaraan. Ulan. Ulan. Ulan, buhos pa. Mga paa'y nanginginig na sa lamig, bagong sapatos ay pinasok na rin ng tubig. Hinaplos ang basang mukha, luha ba 'to o ulan? Sabay tingala sa langit...tama na po. Tama na po, babalik na po.

No comments:

Post a Comment