Friday, June 8, 2012

Usapang Totoong Buhay

Pahinga muna ako sa usapang pag-ibig. Seryosong usapan muna.

Hindi maalis sa isip ko ang batang babae na namatay sa diarrhea. Christine daw ang pangalan niya. Ang lupit ng mundo. Dahil sa kontaminadong tubig, di na nakayanan ng bata. Namatay siya noong Huwebes. Namatay rin sa parehong sakit ang kanyang ina. Hindi ko man nakausap ang ama ng bata, ramdam ko ang pighati na kanyang nararamdaman.

Kasama kami sa grupong pumunta sa barangay kung saan nakatira ang mga biktima. Sa mapa pa lang, alam na naming malayo. Maglalakad pa raw. Sabi ko sa sarili ko, kaya 'to. Naakyat ko nga ang Bulusan. Pero sa totoo lang, mas mahirap 'to sa pag-akyat sa kahit anumang bundok/bulkan. Mas nakapanlulumo ang 'yong maaabutan. Hindi napapasok ng kahit anong klase ng sasakyan ang lugar. Kalabaw lang ang gamit ng mga residente para maitawid ang kanilang mga produktong binili mula sa bayan. Isa hanggang dalawang oras ang lakaran, depende pa sa panahon. Sa estado ng kalsada dto, sino nga ba ang hindi mamamatay kung bigla kang magkaroon ng sakit? Gaya ng nangyari kay Christine at sa kanyang ina. Kapansin-pansin din na walang health center sa lugar. Ibig sabihin, walang mga gamot kahit man lang paracetamol sa mga bata. Kung tutuusin, maliit lang naman ang barangay. Ayon sa kagawad, may 300 households lang daw. Pero kung ang bawat pamilya eh may limang miyembro, marami-rami na din yun. Bakit ba kasi doon nila napiling tumira? Alam kong, may kanya-kanyang rason ang bawat pamilya, at wala akong karapatan na kwestyunin yun.

Habang naglalakad ako, hindi ko maiwasang magtanong kung saan nga ba napupunta ang ibinabayad kong buwis? Kung sana, sa maayos na kalsada at gamot napupunta, hindi ako magrereklamong kinse porsyento ang ibinabawas sa sweldo ko buwan-buwan. Mas lalong naiintidihan ko kung bakit dumarami ang mga militante. At naiintindihan ko na rin kung bakit marami ang umaalis ng bansa para magkaroon ng mas maganda buhay.

Sa lahat ng araw-araw na nasasaksihan kong baluktot na sistema, nakakahiya mang aminin pero kahit ako walang nagagawa. Bawal ngang magpakita ng emosyon sa oras ng trabaho eh. Kahit naiiyak ka na, kailangan mong pigilan. Ikinukwento mo lang ang nagyayari sa lipunan. Hanggang dun lang. Kahit ako, umaasa ring sana may makapansin nito at sana may pagbabago.

Sa totoo lang, mayroon pang dapat problemahin kaysa sa lovelife. Diba copers?

-June 9, 2012 11:35am

No comments:

Post a Comment