"Sobrang nakarelate ako sa article na sinulat ng isang kaibigan/schoolmate. Kaya sa mga copers na nagmahal at hindi nasuklian ang pagmamahal gaya ng naranasan ko kamakailan lang, basahin niyo rin ito."
Sapilitan: A Tale of Unrequited Love
by Ralph Revelar-Sarza on Friday, 22 June 2012 at 18:44
DUMATING ako sa puntong kinailangan kong isakripisyo ang pagkakaibigan para ipaalam sa kanyang higit pa sa pagiging ka-yosi, ka-tsismisan o kasama during boy hunting ang papel na gusto kong gampanan. Sa bilis kasi ng takbo ng oras, may mga bagay na hindi na dapat pinapaghintay pa. Naniniwala kasi akong ang pag-ibig na hindi kusang dumadating ay kailangang hanapin.
Pero may mga bagay na hindi kailanman maaaring ipilit. Masakit mang tanggapin pero may mga bagay na sadyang hindi “muna” maaaring mangyari sa mundong kasalukuyan mong ginagalawan. May mga bagay na ipapamukha sa’yo na higit pa sa masarap at mainit na nilaga ang maaari mong makuha kapag may tiyaga kang maghintay para sa pag-ibig na inilaan sa’yo ng tadhana.
Sinubukan kong ipagpatuloy at pagtagumpayan ang laban ng buhay kung saan ang tuntunin ay ang araw-araw na pag-iwas sa anumang bagay na mag-uudyok sa’kin para ipahayag ang aking nararamdaman. Hindi ko inasahang posible pa rin naming mapanatili ang aming pagkakaibigan. Hindi ko inasahang sa pagpapatuloy ng aming samahan ay makukuha kong subukang buksan muli ang aking puso para bigyang-daan ang isang bagong pag-ibig.
Sa pagdating ng bagong inspirasyon, naranasan kong muling maging masaya. Naranasan kong makuntento. Naranasan kong muling mangarap. Isang bagong pag-ibig na ipinakita sa’kin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bukas na pananaw, disiplina sa sarili at respeto para sa ibang tao. Isang bagong pag-ibig na hindi perpekto ngunit walang hinihinging kapalit.
Sa kabila ng panibagong oportunidad na maging maligaya at ngumiti habang nakatingin sa kawalan, hindi ko napaghandaan ang araw kung saan mararamdaman kong ang unang bugso ng kaligayahan ay mayroong hangganan. Ang pagiging kuntento ay hindi pangmatagalan. Ang pag-asam sa isang bagay na walang ipinapakitang maliwanag na kasiguraduhan ay hindi kailanman magdadala ng panatag na kalooban. Hindi ko agad nawaring mahihirapan akong panatilihing maayos ang daloy ng isang kumplikadong relasyon kung saan habang nasa ilalim ako ng makapangyarihang araw, ang taong pilit kong sinusubukang bigyan ng buong pansin ay nasa ilalim naman ng buwan.
Hindi ko maiwasang magtanong. Wala raw mahirap para sa taong nagmamahal pero bakit ako napapagod na ipagpatuloy ang pagtahak patungo sa isang bagong landas, papalayo sa lumang daang pinili kong talikuran? Narating ko ang isang simpleng kasagutan. Dahil ang lumang daang pilit kong nilalayuan ay ang natatanging daan kung saan hindi ako magsasawang lumingon.
At ngayon, handa na akong bumalik.
Muli akong sasabak sa isang laban kung saan ang mga sugat na maaari kong makuha ay magsisilbing paalala na minsan sa buhay namin ay sinubukan ko s'yang ipaglaban. Naniniwala akong mas katanggap-tanggap na harapin ang hapdi ng sugat na dala ng isang pag-ibig na hindi nasusuklian kaysa umatras para ito'y paghilumin.
Ang umasa sa pagmamahal ng isang taong hindi ka kayang mahalin ay parang pamimingwit sa lawang wala namang isda. Pero sa labang ito, ako mismo ang maglalagay ng mga isda upang sa muli kong pagbalik, mas malaki ang pagkakataon kong makarami ng huli.
Minsan darating tayo sa punto kung saan mas mangingibabaw kung pa'no natin tingnan ang ating mga sarili kaysa sa sasabihin ng ibang tao. But when it comes to unrequited love, the person who cannot reciprocate what you feel has the power to make you realize why you are being found wanting.
If there's one good thing about unrequited love, it would be the fact that it presents itself as an option for you to be a better person. It allows you to see your flaws, and gives you a chance to correct them.
Hindi s'ya ang una kong pag-ibig pero s'ya ang tipo ng pag-ibig na masarap balik-balikan. Isa s'yang kwentong pambatang dadalhin ko hanggang sa aking pagtanda. Isa s'yang tula na hindi ko pagsasawaang bigkasin kahit may mga salitang hindi magkasing-tunog. He acknowledges his imperfections, and that's what makes him perfect.
Mahal na mahal ko s'ya at hinding hindi ako mapapagod na hintayin ang araw na kusa s'yang papasok sa pintuan ng aking puso na hindi n'ya na kailangan pang katukin dahil matagal nang nakabukas.
"May mga advantages naman kahit hindi nasusuklian ang ating pagmamahal. Isipin na lang din natin, dumating rin sa punto ng buhay nung mga minahal natin (na hindi tayo nakuhang mahalin), ang sitwasyong sila naman ang nagmahal at hindi rin ito nasuklian. Sabi nga, patas lang. Pero kahit mapait ang naranasan natin, wag nating kakalimutan ang pag-ibig. Hayaan nating maghilom ang sugat at bigyang daan ang darating na bagong pag-ibig."
Thanks for reposting "Sapilitan." http://saytwist.blogspot.com/2012/06/sapilitan-tale-of-unrequited-love.html
ReplyDelete