Showing posts with label coping. Show all posts
Showing posts with label coping. Show all posts

Wednesday, June 27, 2012

Unrequited Love

"Sobrang nakarelate ako sa article na sinulat ng isang kaibigan/schoolmate. Kaya sa mga copers na nagmahal at hindi nasuklian ang pagmamahal gaya ng naranasan ko kamakailan lang, basahin niyo rin ito."

Sapilitan: A Tale of Unrequited Love
by Ralph Revelar-Sarza on Friday, 22 June 2012 at 18:44

DUMATING ako sa puntong kinailangan kong isakripisyo ang pagkakaibigan para ipaalam sa kanyang higit pa sa pagiging ka-yosi, ka-tsismisan o kasama during boy hunting ang papel na gusto kong gampanan. Sa bilis kasi ng takbo ng oras, may mga bagay na hindi na dapat pinapaghintay pa. Naniniwala kasi akong ang pag-ibig na hindi kusang dumadating ay kailangang hanapin.

Pero may mga bagay na hindi kailanman maaaring ipilit. Masakit mang tanggapin pero may mga bagay na sadyang hindi “muna” maaaring mangyari sa mundong kasalukuyan mong ginagalawan. May mga bagay na ipapamukha sa’yo na higit pa sa masarap at mainit na nilaga ang maaari mong makuha kapag may tiyaga kang maghintay para sa pag-ibig na inilaan sa’yo ng tadhana.

Sinubukan kong ipagpatuloy at pagtagumpayan ang laban ng buhay kung saan ang tuntunin ay ang araw-araw na pag-iwas sa anumang bagay na mag-uudyok sa’kin para ipahayag ang aking nararamdaman. Hindi ko inasahang posible pa rin naming mapanatili ang aming pagkakaibigan. Hindi ko inasahang sa pagpapatuloy ng aming samahan ay makukuha kong subukang buksan muli ang aking puso para bigyang-daan ang isang bagong pag-ibig.

Sa pagdating ng bagong inspirasyon, naranasan kong muling maging masaya. Naranasan kong makuntento. Naranasan kong muling mangarap. Isang bagong pag-ibig na ipinakita sa’kin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bukas na pananaw, disiplina sa sarili at respeto para sa ibang tao. Isang bagong pag-ibig na hindi perpekto ngunit walang hinihinging kapalit.

Sa kabila ng panibagong oportunidad na maging maligaya at ngumiti habang nakatingin sa kawalan, hindi ko napaghandaan ang araw kung saan mararamdaman kong ang unang bugso ng kaligayahan ay mayroong hangganan. Ang pagiging kuntento ay hindi pangmatagalan. Ang pag-asam sa isang bagay na walang ipinapakitang maliwanag na kasiguraduhan ay hindi kailanman magdadala ng panatag na kalooban. Hindi ko agad nawaring mahihirapan akong panatilihing maayos ang daloy ng isang kumplikadong relasyon kung saan habang nasa ilalim ako ng makapangyarihang araw, ang taong pilit kong sinusubukang bigyan ng buong pansin ay nasa ilalim naman ng buwan.

Hindi ko maiwasang magtanong. Wala raw mahirap para sa taong nagmamahal pero bakit ako napapagod na ipagpatuloy ang pagtahak patungo sa isang bagong landas, papalayo sa lumang daang pinili kong talikuran? Narating ko ang isang simpleng kasagutan. Dahil ang lumang daang pilit kong nilalayuan ay ang natatanging daan kung saan hindi ako magsasawang lumingon.

At ngayon, handa na akong bumalik.

Muli akong sasabak sa isang laban kung saan ang mga sugat na maaari kong makuha ay magsisilbing paalala na minsan sa buhay namin ay sinubukan ko s'yang ipaglaban. Naniniwala akong mas katanggap-tanggap na harapin ang hapdi ng sugat na dala ng isang pag-ibig na hindi nasusuklian kaysa umatras para ito'y paghilumin.

Ang umasa sa pagmamahal ng isang taong hindi ka kayang mahalin ay parang pamimingwit sa lawang wala namang isda. Pero sa labang ito, ako mismo ang maglalagay ng mga isda upang sa muli kong pagbalik, mas malaki ang pagkakataon kong makarami ng huli.

Minsan darating tayo sa punto kung saan mas mangingibabaw kung pa'no natin tingnan ang ating mga sarili kaysa sa sasabihin ng ibang tao. But when it comes to unrequited love, the person who cannot reciprocate what you feel has the power to make you realize why you are being found wanting.

If there's one good thing about unrequited love, it would be the fact that it presents itself as an option for you to be a better person. It allows you to see your flaws, and gives you a chance to correct them.

Hindi s'ya ang una kong pag-ibig pero s'ya ang tipo ng pag-ibig na masarap balik-balikan. Isa s'yang kwentong pambatang dadalhin ko hanggang sa aking pagtanda. Isa s'yang tula na hindi ko pagsasawaang bigkasin kahit may mga salitang hindi magkasing-tunog. He acknowledges his imperfections, and that's what makes him perfect.

Mahal na mahal ko s'ya at hinding hindi ako mapapagod na hintayin ang araw na kusa s'yang papasok sa pintuan ng aking puso na hindi n'ya na kailangan pang katukin dahil matagal nang nakabukas.


"May mga advantages naman kahit hindi nasusuklian ang ating pagmamahal. Isipin na lang din natin, dumating rin sa punto ng buhay nung mga minahal natin (na hindi tayo nakuhang mahalin), ang sitwasyong sila naman ang nagmahal at hindi rin ito nasuklian. Sabi nga, patas lang. Pero kahit mapait ang naranasan natin, wag nating kakalimutan ang pag-ibig. Hayaan nating maghilom ang sugat at bigyang daan ang darating na bagong pag-ibig."

Friday, June 22, 2012

Manhid

Dumating na ba sa punto ng buhay mo na gustong-gusto mong umiyak pero hindi mo magawa? Yung tipong parang sasabog ka na, pinipilit mo nang lumuha o kaya naman pinapatugtog mo na ang pinakamalulungkot na kanta sa Earth pero wa epek pa rin? Kung hindi pa, maswerte ka. Ngayon ko lang narealize na mas OK pa pala na umiiyak kapag nasasaktan ka. Mas madaling nakakamove-on kung ganun.

Pero naisip ko, eto na kaya ang sinasabi nilang, nagiging manhid ka na kaya di ka nakakaiyak. Na sa dinami-rami ng masasakit na nangyari sa buhay mo eh naging bato ka na. Putragis na buhay 'to. Ang daming TARANTADONG tao sa mundo. Ang daming INSENSITIVE. Dito ko na lang ibubuhos ang lahat ng sama ng loob ko. Ito na ang huli. Pramis.

Babala: Masasakit ang mga susunod na mga pangungusap. Baka di mo kayanin. Pero dahil manhid ka nga, ayos lang ito sayo.

Hindi naman lihim sa'yo ang nararamdaman ko. Pero bakit hindi mo man lang sinabi agad na meron na? Nananadya ka ba talaga o nuknukan ka lang ng insensitive? Alam mo kung gaano kasakit yan. Alam na alam mo yan. Oo, wala kang responsibilidad na sabihin ang mga pangyayari sa lecheng buhay pag-ibig mo pero sana man lang nirespeto mo ang nararamdaman ko. Wala ka nga talagang BALLS. Sana hindi na ako nagmukhang tanga. Alam mo naman ang pakiramdam na nagmumukhang tanga diba? Gusto mo bang ipaalala ko sa'yo? Ayaw kitang makita. Ayaw na kitang makausap. Ayaw kitang makasama.

Sana lang hindi mo ulit maranasan ang masaktan. Sana hindi ka na ulit magmukhang tanga gaya ng ginawa sa'yo nung isang babae at ginawa mo rin sakin. Pakshet! Nagsisisi akong ikaw ang minahal ko. Nagsisisi akong sa'yo ko ipinagkatiwala ang puso ko na kahit konting pagpapahalaga wala man lang naibalik sa akin. Nagsisisi akong itinuon ko ang atensyon ko sa isang walang kwentang tao. Hindi ka nga agad umalis gaya ng ibang nakilala ko pero ngayon ko lang hinangad na sana, nawala ka na rin na parang bula.

Galit na galit ako. Pero sige lang. Magsisimula akong muli. Kung sakali man na mag-krus ang ating landas, sisiguraduhin kong wala na akong mararamdaman.

Paalam. Ciao. Goodbye.

June 22, 2012 Friday, 10:09pm

Friday, May 25, 2012

May Sakit na ako sa Puso

Sa Linggo, aalis muna ako pansamantala. Kailangan ako sa ibang lugar. Isang linggo lang naman. Mabuti para sa akin. Kahit papano, umaasa akong kasabay ng pag-alis ko ang unti-unti kong pag-alis sa kalungkutan. Sana sa panibagong mundong gagalawan ko, mag-iiba rin ang nararamdaman ko. Paulit-ulit na lang kasing ganito. Wala naman dapat sisihin kundi ako. Wala naman kasing nagdidikta sa atin kung sino ang mamahalin natin. Bigla mo na lang marerealize na mahal mo na ang isang tao. Na kahit hindi ka niya kayang mahalin, sige ka pa rin. Kahit papaano, umaasa ka na may himala at isang araw ay mamahalin ka rin niya. At kahit paulit-ulit kang nasasaktan, ayos lang sa'yo.

Ngayon ko lang naranasan ang ganito. Ngayon lang ako nagtiis sa ganitong aspeto ng buhay ko. Tinatanong ko kung bakit siya pa. Marami namang iba. Kahit ako, di ko rin alam ang sagot. May mga bagay lang talaga na hindi mo kayang ikontrol at isa na dun ang puso mo.

Sabi ng isang matalik na kaibigan, kailangan ko na siyang iwasan para hindi na rin ako masaktan. Ang daling sabihin diba, pero ang hirap-hirap gawin. Mismong ang pag-iwas ang pinakamasakit. Sana tulad ng pangangailangan sa tao ng isang istasyon namin, maramdaman ko man lang na kailangan niya rin ako. Sapat na sakin yun para magpatuloy ako. Pero ang sakit dahil hindi ko yun nararamdaman. Ang bigat sa loob. Ilang beses ko na rin yung napatunayan.

Bakit ganito ang buhay? Bakit kailangan mo munang masaktan bago ka sasaya?


(May 25, 2012 9:54pm)

Wednesday, April 25, 2012

Kung Pwede Ka Lang Sanang Bumalik

Nitong mga nakalipas na mga araw, ikaw ang laging nasa isip ko. Lahat ng mga pinagsamahan natin, masaya man o malungkot, tila bumabalik. Namimiss ko ang mga ngiti mo. Namimiss ko ang pagpasok mo ng opisina at kasabay ng pagtanggal mo ng iyong shades ay ang sweet mong smile sa akin. Namimiss ko ang pagkakilig mo kung binibiro kitang hahalikan kita sa cheeks, magbablush ka pa. Namimiss ko kung papaano ka magworry kung wala pa akong nakukuhang balita, kahit hindi naman talaga ikaw ang partner ko. Namimiss ko kung papaano tayo magmodel-modelan sa editing room. Namimiss ko ang mga panahong papasok ako ng editing room na makikita kitang natutulog sa sahig. Namimiss ko yung pag-upo sa tabi mo habang tulog ka tapos kapag nagigising ka, bigla mo na lang akong yayakapin. Namimiss ko ang mga moments na kahit hindi man direct, you made me feel very special. Namimiss ko ang inuman nating dalawa. Namimiss ko ang paghatid mo sakin sa boarding house kahit alas dos na ng madaling araw at galing tayo sa inuman. Namimiss ko kung papaano ka magalit kapag nalaman mong umuwi akong mag-isa mula sa inuman. Magagalit ka sa mga kasama ko. Namimiss ko ang pagkain natin ng siopao sa mall. Namimiss ko rin na diring-diri ka sa suka. At para mas lalo kang mainis, nag-iiwan ako ng suka sa editing room. Namimiss ko yung paghawak mo sa kamay ko, na ngayon pinagsisihan kong agad kong tinatanggal. Namimiss kita. Ikaw mismo.

Sayang at wala ka na. Alam kong isa ka sa pinakamasayang tao tuwing may achievement ako. Sayang, hindi na ikaw ang kasama ko nung unang umere ako sa national. Sayang at hindi ka na namin nakakasama na manlait tuwing pumupunta kami ng mall. Sayang at hindi mo na nakikita ang pag mature ko. Brave na ako ngayon, alam mo ba? Sayang talaga.

Sana nandito ka pa. Sana magkasama pa rin tayo ngayon. Sana nakikita pa rin kita. Sana nakakainuman pa rin kita. Sana hindi ka agad kinuha. Sana kahit man lang sa panaginip, makausap kita. Nalulungkot pa rin ako pagnaaalala kong wala ka na. Tulad ngayon. :'(

(Abril beynte singko, alas siete trenta y ocho ng gabi)

Saturday, April 14, 2012

Friday the 13th


Friday the 13th.
Hindi naman talaga ako naniniwalang may dulot na kamalasan ang araw na ito na pinaniniwalaan ng iba.

Hindi ko naman ito itinuturing na kamalasan pero sa pagkakataong ito, marahil may naidulot itong nakalulungkot na pangyayari sa aking pagkatao.

Yun bang alam mong may mali ka na, nilalaglag ka pa ng inaasahan mo sanang kahit papaano ay makakatulong sa'yo.

Yung feeling na ngarag ka na sa mga nangyayari, tapos biglang may iaabot sayong papel na medyo nakakadepress ang lamang sulat.

Yung feeling na pagkabasa mo eh nakadagdag pa yun sa pagkangarag mo? Yun bang bigla ka na lang natulala pero kailangan wag ipakitang balisa ka.

Yun bang, sa lahat ng mga nangyari may nagmamalinis at wala kang magawa.

Higit sa lahat, yun bang feeling mo nagiisa ka sa mundo sa pagkakataong nangyari ang lahat ng iyon at wala kang mapuntahan...nagkasabay sabay.

Higit pa roon, yun bang feeling mo nawalan na sila ng tiwala sa'yo at nakalubog na ang isa mong paa sa hukay.

Ang saklap lang.

Moving on and still coping...

Thursday, January 12, 2012

Comfort Room

Pang-ilang araw na ba? Hindi ko na binibilang ang araw na malungkot ako. Sa totoo lang, pakiramdam ko ang tagal-tagal na. Pero natutuwa naman ako sa bawat araw. Nararamdaman kong paunt-unti ay nagiging OK ako. Paggising mo sa umaga eh parang mas magaan kaysa sa nakaraan. Good for me! Hindi naman talaga madali ang mag move-on lalo na kung meron ka pang nararamdaman para dun sa taong nais mo nang kalimutan.

"Love takes time to heal when you're hurting so much."

Hindi ako nagmamadali na kalimutan ka. Sa totoo lang, mas nangingibabaw ngayon ang "sana maayos pa natin 'to" factor. Hindi rin kasi ako makakamove-on ng maayos kung di rin tayo makakapag-usap ng maayos.

Kagabi, binalikan ko ang panahong hindi pa tayo magkakilala. Masaya naman ako. Pero aaminin kong mas naging masaya ako nung makilala kita. Oh! Wag masyadong lumaki ang ulo! Hindi ko pinagsisisihang nagkagusto ako sa'yo. Bigla ko na lang kasing nararamdaman kahit anong pigil ko. Ganun talaga siguro ang buhay.

Isang araw, masasabi ko rin ang sinabi ni Emma sa pelikulang One Day.

"I love you but I don't like you anymore."

Pero sabi ko nga, hindi ako nagmamadaling sabihin yun. Darating ang araw na masasabi ko rin siguro yan.

One day....

(Sa mga sumusubaybay sa the coping club, pasensiya na kung karamihan ng entry ay mula sa akin. Kailangan ko lang mailabas ang nararamdaman ko. Sa ngayon ito ang itinuturing kong Comfort Room)

Tuesday, January 10, 2012

Luha by Aegis

Lumipas ang isang araw. Di ko mapigilan ang aking mga luha. Ang sakit pala talaga. Hindi pa sana ako maglelet go. Kaya ko pa sana eh. Kaso napilitan na ako. Ang sakit sa pakiramdam na marinig mula mismo sa kanya na nasasakal siya sa'yo. Ouch yun. Biglang bumalik yung sakit na naramdaman ko sa isa ring naging parte ng buhay ko. Siguro nag overreact ako pero yun yung naramdaman ko eh. Kung itatago ko pa, baka sumabog na ako. Baka di ko na kayanin sa susunod. Baka gumising na lang ako na hindi ko na kilala ang sarili ko. Kaya habang maaga pa, aayusin ko na rin muna ang sarili ko. Aaminin ko, mahal ko talaga yun. It's so hard to let him go but I have to. Marami pa namang luha. Sana sa bawat pagpatak nito, unti-unti na ring mauubos ang sakit na nararamdaman ko. Sana.....

Monday, January 9, 2012

Busy Tone

Nang marinig ko ang busy tone, bigla akong binalot ng nakakabinging katahimikan.

May hangin sa paligid pero hindi ko marinig ang kaluskos ng mga dahon sa Street Unknown.

Parang naka-mute na pelikula.

Mapunan lamang ang kawalan, nagkumahog akong hanapin sa playlist ko ang maingay na kanta ng The Exies para patugtugin sa nakasalpak kong earphones.

Ang musika, base sa aking karanasan, ay mabisang anesthesia.

Maya-maya pa, nag-text ka.

Opening.

"Hey sorry, had to reject your call. May ginagawa kasi ko..."

Reply.

"No worries. That was just a random phone-a-friend for Who Wants to Be a Millionaire. And I lost the game, because you hang up! The question supposedly was, what is the square root of 25? I answered, 5.756378. Tangina, 5 lang pala ang sagot!? :)) Anyway, hope you're cool. :)"

Sent.

Natawa ka.

Natawa rin ako.

At naisip kong may masasaklap na reyalidad na mas okey na idaan na lang sa biro. Dahil sadyang malaking biro lang din naman ang buhay.

Ika nga nila, "Don't take life too seriously, because nobody has come out of it alive anyway."

Pero tuloy lang. Habang may musika.

Thursday, December 22, 2011

Pasko na

Tandang-tanda ko pa ang Pasko ko noong isang taon. Nasa gitna ako noon ng unos at nasa bungad ng maraming pagbabago sa aking buhay--mga malalaking desisyon na kailangang panindigan.

At ngayon, isang taon na naman ang nagdaan. Halos kalahating taon na rin ako rito sa malaking siyudad. Bukod sa subsob ako sa bagong trabaho, wala namang gaanong bago sa akin.

Dito sa malayo, muli kong nadiskubre ang aking sarili, nakapag-isip. Naging mas malinaw sa akin ang aking pinanggagalingan, sa tanaw mula sa malayo.

Masasabi kong mas mabait sa akin ang 2011. Hindi man ito naging lubos na masaya, nagpapasalamat ako sa Itaas sa mga biyayang dumating sa akin.

At itutuloy ko ito hanggang 2012, ang bagong simula.

Tuesday, June 21, 2011

Paumanhin


Tatlong magkakasunod na po yata ang nai-post ko na blog (pang-apat na 'to?). Pasensya na po at magkakasunod sila. Bugso lang ng po damdaming naghahangad na makayanan ang mga nangyayari sa buhay-buhay.

Salamat!