Wednesday, February 1, 2012

More than 40 kinds of sadness

Hindi ko pa rin nalilimutan ang bawat detalye nang araw na iyon. Kung ano ang suot ko, kung paano ako nagpabalik-balik sa cashier at pharmacy para bilhin ang mga kinakailangan gamot at kung paano ako umiyak sa nurse na asikasuhin ka dahil pakiramdam ko nahihirapan ka.

Bakasyon ko sa eskwela nang mga panahon na iyon. Sinabi sa akin na may sakit ka raw ngunit hindi ko naman inisip na ganoon iyon ka-seryoso. Ang alam lang kasi namin, nagkaroon ka ng Hepatitis. Hindi ko naman akalain na aabot tayo sa dialysis at sa kung anu-ano pang paraan upang gumaling ka. Hindi ko talaga alam. At hanggang ngayon, kahit mag-aapat na taon na, hindi pa rin ako makapaniwala na nangyari ang lahat ng ganoong kabilis.

Ang pinakapanalo sa lahat, noong araw na iyon, ako ang kasama nyo. Umalis tayo ng bahay ng madaling araw upang magtungo sa ospital. Sumusuka ka ng dugo. Natataranta ako. Hindi ko alam kung anong gagawin ko habang kinakatok ko ang gate ng kapitbahay upang maihatid tayo sa ospital. Napaiyak ako noon—unang beses mula nang magkasakit ka.

Nakita kong nanghihina ka ngunit hindi mo ipinahahalata. Naaalala ko pa ng malinaw kung paano mo kami tinatanong ng, “Bakit, anong nangyayari?”

Nakarating tayo ng ospital ng maayos. Akala ko sinumpong ka lang ng sakit mo dahil pagdating natin ng ospital, maayos na ang pakiramdam mo.

Nanatili tayo sa ospital sa mga susunod na oras. Nakikipagkwentuhan ka pa sa amin. Kahit ikaw yung may sakit, ipinaaalala mo sa amin na kumain muna kami.

Hanggang sa nagpa-schedule na tayo ulit ng dialysis mo. Apat na oras kaming naghihintay at nagbabantay. Ang sabi mo hindi masakit ang dialysis. Pero sabi ng lahat ng kasabay mo, mahirap daw. Naiinis ako kasi hindi mo sinasabi sa amin ang totoo. Naiinis ako kasi akala ko hindi naman seryoso.

Hanggang sa dumating ang mga anak mo, mga kapatid, at iba pang kamag-anak. Lahat sila nag-aalala sayo.

Kinabahan ako bigla. Nag-uusap usap ang mga doktor na dapat ka nang lagyan ng tubo para sa endoscopy. Ayaw pumayag ng asawa mo dahil sobrang sakit nun. Habang ako, hindi ko maintindihan ng lubos ang lahat ng nangyayari. Hanggang sa bigla kang napapikit.

Nagulat kami. Nagpanic ang mga doktor. Kinabitan ka ng defibrillator. Gusto kong suntukin yung nurse na nakatingin lang sayo. Gusto ko syang awayin at ilabas ng kwartong iyon dahil hindi sya nakakatulong.

Ang sabi nila, naririnig mo pa kami…kahit wala ka nang heartbeat. Ang sabi nila pwede ka pang kausapin. Ang sabi nila tanggapin na namin. Sinabi ng doktor, “time of death: 10:58PM.”

Pero ang tanging naibulong ko sayo, “Pa, diba, gagaling ka pa?” 

3 comments:

  1. nakakaiyak ito, artemis. sana ay ok ka kahit papano. gusto kitang yakapin.

    ReplyDelete
  2. maraming salamat. i'm still struggling to be okay. kahit halos apat na taon na, tingin ko kailangan ko parin ng yakap sa twing maaalala ko ito. salamat ulit, tonto. :)

    ReplyDelete
  3. Di ko alam kung paano ako makatutulong, pero gustong gusto kita tulungan Artemis.

    ReplyDelete