Wednesday, May 2, 2012

ang pag move on ng panahon at mundo

Isa-isa nang nagsasara ang ilang establisimyentong naging setting ng ilang eksena sa love story natin.

Mula sa Starbucks Adriatico
, sa unang branch ng Starbucks kung saan tayo tumambay. Naaalala mo pa ba? Nung sinamahan kitang magreview? Sabi mo pa nun dalhin ko si Lex (laptop) para may magawa ako. Magsesecond sem ng third year yun..may removals ka. Sinuportahan kita..kaya lang hindi ka pumasa. Masyado ka atang distracted sa pagrereview mo. Pano ba naman kasi, iba pa nun yung inaatupag mo. Hindi pa tayo nun ha.
Sa Starbucks Adriatico mo rin ako unang pinatawad...sa pinakamalaking kasalanan na nagawa ko sa'yo. Sa couch na yun sa may pinto. Hindi ko makakalimutan kung paanong habang umiiyak ako ay bigla mo na lang akong hinalikan at pinunanasan ang luha ko tsaka mo sinabing mahal mo ko. Doon sinabi mong hindi mo ko iiwan. Doon nalaman ko kung gaano mo ko kamahal. Doon ang isang lugar kung saan nakita kong umiyak ka, kung saan nakita ko ang kahinaan mo. Kung saan pakiramdam ko, binuksan mo ang sarili mo sa akin. Sa Starbucks Adriatico, tinunaw mo ang puso ko. Binago mo ang buhay ko.
Naaalala mo pa ba?

Sunod naman ay ang Banapple sa Tomas Morato kung saan super late nating sinelebrate ang birthday mo this year. Hindi na tayo ganun kasaya. Alam kong pinagbigyan mo lang ako. Isa sa maraming pagkakataong napilitan ka. Hindi naman talaga nagsara ang Banapple sa Morato, lumipat lang sila ng pwesto, sa tabi mismo ng dating lugar. Pero iba na e, mawawala na yung lugar kung saan tayo kumain. Yung table kung saan tayo nagsalo.
Naaalala mo pa ba?

Kanina dumaan ako sa V. Cruz. Wala na rin pala yung 7-Eleven doon malapit sa Torre Lorenzo along Taft Ave. kung saan madalas tayong magmeet kapag may icocover akong sports event sa Rizal Memorial Stadium. Madalas akong ma-late. Madalas galit ka. Ayaw mo kasi nang nale-late. Ayaw mong pinaghihintay ka. Isa lang yun sa maraming bagay na ayaw mo sa kin. Aminin mo man o hindi. Alam mo man o hindi. Aware ka man o hindi sa mga nirereklamo mo. Dun sa 7-Eleven na yun, bumibili tayo ng breakfast snack lalo na pag baseball game sa umaga. Ang tagal kasi nun, tatlong oras. Dun mo rin ako binibilhan ng gatorade at chocolate biscuits na knick-knacks na pinagsasaluhan natin habang nanonood ng game.
Naaalala mo pa ba?


Isa-isa nang binubura ng mundo ang mga alaala ko sayo. Handa man ako o hindi, binabago na niya ito. Gusto ko man o ayoko, inaalis ka na niya sa nakikita ko. Akala niya makakalimutan kita. Mas nakikita at napapansin ko lang naman yung mga nagbago ngayong wala ka na.  Yung bang absence o kawalan mo at ng alaala mo.

Grabe ang mundo no? Walang pakundangan sa nararamdaman mo. Iikot at iikot, tuloy pa rin sa pag-ikot kahit hilong-hilo ka na at gusto mo na lang tumigil sa isang sulok.
Sabi nga ng kanta, "Tuloy-tuloy ang ikot ng mundo. 'Di to hihinto para lang sa iyo..."

Grabe rin ang panahon. Lumilipas at patuloy na lumilipas. Pero ang totoo, mabait pa ang panahon. Ang panahon di ka iiwanan niyan...isasama ka nga niya e. Ang masaklap, kung paano ka niya dadalhin. Ang panahon, kakaladkarin ka araw-araw hanggang segu-segundo ke gusto mong sumama sa kanya o hindi. Kahit na buong pagkatao mo na ang igayod mo sa kalsada ng panahon para lang pigilan siya, hindi siya papapigil. Hindi ka pwedeng magpaiwan. Kasi sa totoo lang? Wala ka namang choice e.

Walang pakialam ang panahon sa nararamdaman mo. Walang pakialam ang mundo sa nararamdaman mo.
Pero sabi nila, kung pababayaan mo lang daw sila, ang mundo at ang panahon mismo ang maghahatid sa'yo sa dapat mong kalagyan.



Alam ko naman yun e. Pero ayoko. Kasi, alam ko ring dadalhin nila ako sa lugar at oras na malayo sa'yo.
 *10.24.11*

2 comments:

  1. Hindi ko agad binasa kung sino ang nagsulat. Na-hook ako sa kwento mo. Welcome afraudite. Di ko sure kung dating coper ka o bago lang. Pero natutuwa ako sa entry na'to. Habang binabasa ko, narealize kong hindi pala ako nag-iisang nasasaktan sa mundong ito. Aabangan ko pa ang mga entries mo :)

    ReplyDelete