Sa Linggo, aalis muna ako pansamantala. Kailangan ako sa ibang lugar. Isang linggo lang naman. Mabuti para sa akin. Kahit papano, umaasa akong kasabay ng pag-alis ko ang unti-unti kong pag-alis sa kalungkutan. Sana sa panibagong mundong gagalawan ko, mag-iiba rin ang nararamdaman ko. Paulit-ulit na lang kasing ganito. Wala naman dapat sisihin kundi ako. Wala naman kasing nagdidikta sa atin kung sino ang mamahalin natin. Bigla mo na lang marerealize na mahal mo na ang isang tao. Na kahit hindi ka niya kayang mahalin, sige ka pa rin. Kahit papaano, umaasa ka na may himala at isang araw ay mamahalin ka rin niya. At kahit paulit-ulit kang nasasaktan, ayos lang sa'yo.
Ngayon ko lang naranasan ang ganito. Ngayon lang ako nagtiis sa ganitong aspeto ng buhay ko. Tinatanong ko kung bakit siya pa. Marami namang iba. Kahit ako, di ko rin alam ang sagot. May mga bagay lang talaga na hindi mo kayang ikontrol at isa na dun ang puso mo.
Sabi ng isang matalik na kaibigan, kailangan ko na siyang iwasan para hindi na rin ako masaktan. Ang daling sabihin diba, pero ang hirap-hirap gawin. Mismong ang pag-iwas ang pinakamasakit. Sana tulad ng pangangailangan sa tao ng isang istasyon namin, maramdaman ko man lang na kailangan niya rin ako. Sapat na sakin yun para magpatuloy ako. Pero ang sakit dahil hindi ko yun nararamdaman. Ang bigat sa loob. Ilang beses ko na rin yung napatunayan.
Bakit ganito ang buhay? Bakit kailangan mo munang masaktan bago ka sasaya?
(May 25, 2012 9:54pm)
No comments:
Post a Comment