Araw-araw kong tinatahak ang daang ito pauwi galing sa trabaho. Hindi ko pa rin alam kung anong tawag sa street na ito.
Makailang beses na ring ikaw ang nasa isip ko habang nilalakad ko ito mag-isa, pero tulad ng kalsadang walang pangalan, hindi ko mawari kung saan tayo patungo.
Sa una nating pagtatagpo sa Avid' s bar sa Metrowalk, naging mabait ka sa estrangherong kaharap mo. Matipid man ang iyong kwento, nababawi naman ito ng maaliwalas mong ngiti.
Naglakas loob akong sabihin sayo na gusto kita. Mabilis, alam ko. At pangamba kong isipin mong flirt o wild ako. Ang parating sagot mo lang sa bawa't pagpapahiwatig ko, "Friends like each other."
O di kaya'y, "Adik ka."
At ang pinaka-memorable sa lahat, ay nang sabihin mong, "You need help. Medical help."
Lahat nang 'yan sinusundan ng laughing smiley. Sabay kabig ng, "Joke lang."
Ang lagi ko namang tugon sa 'yo, "Jokes are half-meant."
Sabi ko pa, sana mag-joke ka rin na mahal mo ako, para at least man lang, half-meant. At lakas-tawa mo akong tatawaging "boy banat."
Bakit ba ako nagpapaka-cheesy? Hindi naman ako ito. Madalas akong seryoso, blangko, at hindi expressive. Hindi mo lang alam 'yon kasi ganito na ako nang magkakilala tayo.
Pero paano ko ba ipapakilala sa 'yo kung sino ako? Hindi ka naman nagtatanong. Ang totoo, kadalasa'y nahihiya akong magbukas ng sarili sayo. Dahil hindi ko alam kung gusto mo ba ako...na kausap.
Hindi ka rin gaanong nagkikwento. Ni ayaw mong maging friends tayo sa Facebook at Twitter.
Pero patuloy mo pa rin akong kinakausap. Kung iisipin pwede mo namang gunawin ang mamumuo pa lang nating mundo. Pero hindi mo naman 'yon ginagawa.
Kaya ako, umaasa.
Sabi nga nila, habang buhay, may pag-asa. At sabi naman ng Pag-asa, may low pressure area sa timog silangan ng General Santos City. Chos!
Tulad ng sama ng panahon, pakiramdam ko'y balot ako ng makapal na ulap. Umuulan nang malakas, pero tila ako lang ang nababasa. O di kaya'y lahat may payong, ako lang ang wala.
Makulimlim na reyalidad.
Hindi ka pa man dumarating, ay tila lumisan ka na.
Hi Andrew, natuwa naman ako dito. Pwede bang tawagan mo ako at magkwento ka! excited much!
ReplyDeleteSalamat. :)
DeleteAng cool. Binasa ko sya backwards :)
ReplyDeleteSinubukan ko din tuloy basahin backwards. Pwede! Haha.
Delete